Kitabı oku: «Ikot », sayfa 7

Yazı tipi:

IKA-LABING TATLONG KABANATA

Nakatayo lamang si Caitlin at si Caleb sa malaki at bukas na terasa na nakatanaw sa ilog. Nakikita niya ang Ilog ng Hudson sa gitna ng ilang mga puno. Sa malayo ay nakikita din niya ang maliliit na ilaw mula sa mga sasakyan na tumatawid sa tulay. Isa itong tahimik na gabi.

"May mga kailangan kang ipaliwanag sa akin Caleb," sabi ni Caitlin.

"Alam ko," sagot ni Caleb.

"Anong ginagawa ko dito? Sino ako sa akala mo?" Inabot nang ilang minuto bago siya nagkalakas ng loob na sabihin ang huli niyang tanong. "Bakit mo ako iniligtas?"

Nakatingin lamang si Caleb sa kagiliran. Hindi niya alam ang iniisip nito. Hindi din niya alam kung sasagutin niya ang kaniyang mga tanong.

Sa wakas ay tumingin siya sa kaniya. Tumitig siya sa kaniyang mga mata. Malipos ang kaniyang mga titig na hindi niya kayang umalis ng tingin.

"Isa akong bampira," sabi ni Caleb na walang ekspresyon, "ng Puting Grupo. May tatlong libong taon na akong nabubuhay at walong daan dito ay parte ako ng grupong ito."

"Bakit ako nandito?"

"Ang mga grupo at lahi ng bampira ay laging may gera. Masyadong teritoryal. Sa kasawiang palad ay napunta ka sa gitna nito."

"Anong ibig mong sabihin?" tanong niya. "Paano?"

Tumingin si Caleb sa kaniya.

"Hindi mo ba naalala?"

Blangko ang ibinalik niyang tingin dito.

"Ang pinatay mo. Yun ang nagsimula nito."

"Pinatay?"

Umiling si Caleb. "Hindi mo naaalala. Tipiko. Ang unang patay ay laging ganyan. May pinatay ka kagabi. Isang tao ang kinagat mo sa Carnegie Hall."

Naramdaman ni Caitlin na umiikot ang lahat. Hindi siya makapaniwala na kaya niyang gawin iyon pero parte niya ay naniniwalang totoo ito. Natatakot siyang itanong kung sino. Si Jonah kaya?

"Ang bokalista," sabi ni Caleb na akala mo'y binasa ang kaniyang isip.

Bagya na itong matanggap ni Caitlin. Pakiramdam niya ay tinatakan siya ng itim na marka na hindi na niya kayang bawiin. Katakut-takot ang nararamdaman niya at wala na siyang kontrol.

"Bakit ko ito ginawa?"

"Kinailangan mong kumain. Bakit ginawa mo iyon noon at doon ay walang nakakaalam. Yun ang nagsimula ng gerang ito. Nasa teritoryo ka ng ibang grupo. Isang makapangyarihang grupo.

"Nasa maling lugar lamang ako sa maling panahon?"

"Hindi ko alam. Maaaring may mas malalim pang rason kung bakit ka nandoon."

Tumingin si Caitlin sa kaniya.

"Anong ibig mong sabihin?"

"Siguro ay sinadyang mapunta ka doon. Ito marahil ay iyong kapalaran."

Nag-isip siya. Natatakot siyang itanong ang gusto niyang malaman. "Ang ibig sabihin ba nito isa akong bampira?"

Umiba siya ng tingin. Mga ilang segundo ang nakalipas ay sumagot siya, "Hindi ko alam."

"Hindi ka totoong bampira ngunit hindi ka rin totoong tao. Ikaw ay nasa gitna."

"Kalahating-lahi?"

"Yan ang tawag nila doon. Hindi ako sigurado."

"Ano talaga ito?"

"Ito ay isang bampirang ipinanganak na bampira. Labag ito sa aming batas, aming doktrina na mag-anak sa tao. Minsan may tamplasang bampira ang gagawa ng ganito. Ang resulta ay kalahating-lahi. Hindi ganap na tao at hindi ganap na bampira. Hindi ito inaaprobahan sa aming lahi. Kamatayan ang kaparusahan sa kung sino mang lumabag. Walang makakawala dito at anak ay papalayasin.

"Akala ko ba kalahating-lahi ang Tagapagligtas? Bakit mababa ang tingin nila sa mga kalahating-lahi kung siya ay maaaring Tagapagligtas?"

"Iyan ang kabalintunaan ng aming relihiyon."

"Magsabi pa ng marami. Ano talaga ang kaibahan ng mga kalahating-lahi?"

"Ang mga totoong bampira ay kakainin pagkatapos na pagkatapos nilang mabago. Ang mga kalahating-lahi ay nagsisimula kapag sila ay nasa tamang edad na."

"Kailan ito?"

"18"

Nag-isip ng matagal si Caitlin. Nagkakaroon na ito ng kabuluhan. Kaka-labing walo pa lamang niya. Doon pa lamang nagsimula ang kaniyang masidhing paghahanap.

"Mortal din ang mga kalahating-lahi. Maaari silang mamatay na parang karaniwang tao. Kami ay hindi."

Para maging totoong bampira, kailangang baguhin siya ng totoong bampira nang may intensiyon. Hindi pinapayagan ang mga bampira na baguhin ang sino lamang. Lolobo ang aming populasyon. Kailangan silang makakuha ng permiso galing sa Master na Konseho."

Nakakunot ang noo ni Caitlin. Sinusubukang intindihin lahat iyon.

"Taglay mo ang aming mga katangian ngunit hindi lahat. At dahil hindi ka buong lahi, sa kasawiang palad, ay hindi ka tatanggapin ng mundo ng bampira."

"Kada bampira ay nabibilang sa isang grupo. Masyadong mapanganib kung hindi. Kaya kitang i-petisyon na tanggapin sa aming grupo ngunit dahil kalahating-lahi ka, hindi sila papayag. Walang papayag."

Nag-isip si Caitlin ng mabuti. Kung may mas malala pa sa pagtuklas na siya ay hindi tao, iyon ay ang malamang hindi siya talaga kahit ano. Malamang hindi siya pwedeng maging parte ng isa. Hindi siya pwedeng doon o dito. Hindi siya makaalis sa gitna.

"Ano itong usapan tungkol sa Tagapagligtas? Ako na bilang Napili?"

"Ang aming doktrina, ang aming matandang batas ay nagsasabing isang araw, isang Tagapagligtas ang dadating at dadalhin kami sa nawawalang espada. Sinabi nitong sa araw na iyon ay magsisimula ang isang gera sa gitna ng mga lahi ng bampira. Sinasabing pati ang mga tao ay madadamay sa gerang ito. Ito ang aming bersyon ng katapusan ng mundo. Matatapos lang ito at maililigtas kami sa tulong ng nawawalang espada. At ang makakatulong sa amin para hanapin ito ay ang Tagapagligtas."

"Nang masaksihan ko ang nangyari sa iyo ngayong gabi, akala ko ay ikaw na ito. Wala pa akong nakikitang bampira na hindi tinatalaban ng bendita."

Tumingin si Caitlin sa kaniya.

"At ngayon?"

"Hindi na ako sigurado," sagot ni Caleb habang nakatingin sa malayo.

Tumitig si Caitlin sa kaniya. Nawawalan na siya ng pag-asa.

"Iyon lamang ang dahilan kung bakit mo ako sinagip, dahil sa akala mo ay ituturo ko sa inyo kung nasaan ang nawawalang espada?"

Tinitigan siya ni Caleb na naguguluhan.

"Anong dahilan ang meron pa?"

Naramdaman niyang parang naubusan siya ng hangin. Na parang hinampas siya ng pamalo ng bola. Lahat ng pagmamahal na naramdaman niya para sa kaniya at pati ang inakala niyang koneksyon nilang dalawa ay unti-unting naglalaho sa isang buga. Gusto niyang umiyak. Gusto niyang umalis at tumakbo ngunit hindi niya alam kung saan pupunta. Napahiya siya.

"Tiyak na matutuwa ang iyong asawa na malaman na ginagawa mo lamang ang iyong trabaho. Na wala kang ibang nararamdaman kahit kanino o sa kahit ano maliban sa estupidong espada."

Tumalikod siya at naglakad palayo. Hindi niya alam kung saan pupunta pero kailangan niyang lumayo sa kaniya. Masyadong malakas ang kaniyang nararamdaman hindi niya ito maintindihan.

Ilang talampakan pa lang siyang nakakalayo nang naramdaman niya na may humawak sa kaniyang braso. Iniharap siya nito sa kaniya at tumingin sa kaniya.

"Hindi ko siya asawa. Kasal kami pitong daang taon na ang nakalipas. Umabot lamang ito ng isang taon. Sa kasawiang palad, sa aming lahi ay walang nakakalimot, walang pagpapawalang bisa ng kasal."

Hinawi ni Caitlin ang kaniyang kamay. "Kung ano man siya, masisiyahan siya sa pagbalik mo."

Nagpatuloy ng paglalakad si Caitlin. Pinigilan ulit siya nito at ngayon ay pumunta sa harap niya at hinarangan ang kaniyang dadaanan.

"Hindi ko alam kung paano ko napasama ang loob mo pero kung ano man iyon ay patawarin mo ako."

Ang hindi mo ginawa gustong sabihin ni Caitlin. Dahil wala kang pakialam at hindi mo ako talaga mahal. Bagay lamang ako sa iyo. Kapareho ka din ng ibang lalaki sa buhay ko. Akala ko ay iba ngayon.

Ngunit hindi niya iyon sinabi. Sa halip ay pinigilan niya ang kaniyang luha. Ngunit hindi niya kaya. Naramdaman niya ang pagpatak ng mga ito sa kaniyang pisngi. May kamay sa kaniyang baba at itinaas ito ni Caleb. Pilit na pinatingin siya sa kaniya.

"Ipagpatawad mo," taos puso niyang sinabi. "Tama ka. Hindi lang iyon ang rason ng pagligtas ko sa iyo." Huminga siya ng malalim. "May nararamdaman ako para sa iyo."

Naramdaman niyang lumakas ang kaniyang puso.

"Pero kailangan mong maintindihan na ipinagbabawal ito. Mahigpit ang batas tungkol dito. Ang isang bampira ay hindi, kailanman, maaaring magkaroon ng relasyon sa tao, kalahating-lahi at sino mang hindi totoong bampira. Kamatayan ang kaparusahan. Walang ligtas dito." Tumingin si Caleb sa baba.

"Kaya kung may mararamdaman ako sa iyo at kumilos ng may motibo maliban sa kabutihan ng lahat, papatayin nila ako."

"Ano nang mangyayari sa akin?" Lumingon si Caitlin. "Hindi ako maaari dito. Saan ako pupunta?"

Umiling si Caleb.

"Hindi ako pwedeng umuwi. Wala na akong bahay. Pinaghahanap ako ng mga pulis at ng mga masasamang bampira. Anong kailangan kong gawin? Lumabas mag-isa? Ni hindi ko alam kung ano ako."

"Sana ay may sagot ako. Sinubukan ko. Ngunit wala na akong magagawa. Walang sumasalungat sa Konseho. Mamamatay tayo pareho. Hinatulan nila akong makulong ng limampung taon. Hindi ako pwedeng umalis dito. Kung hindi ay papalayasin ako ng aking grupo magpakailanman. Kailangan mong maintindihan."

Tumalikod si Caitlin para umalis ngunit iniikot siyang muli.

"Kailangan mong maintindihan. Tao ka lamang na mabubuhay ng walumpong taon. Ako ay libo. Maikli ang iyong pagdurusa. Sa akin ay walang katapusan. Ang grupo ko lamang ang mayroon ako. Mahal kita. May nararamdaman ako sa iyo. Bagay na hindi ko rin maintindihan. Bagay na hindi ko pa nararamdaman sa tatlumpong libong taon ko. Ngunit hindi ko pwedeng ipagbakasakali ang pag-alis dito."

"Tatanungin ulit kita. Anong mangyayari sa akin?"

Tumungo lamang si Caleb.

"Kung sa gayon," sagot niya. "Hindi mo na ako problema."

Ibinukas ni Caleb ang kaniyang bibig para magsalita ngunit wala na siya. Nagmamadali si Caitlin na tumawid ng terasa pababa ng batong hagdanan. Ngayon ay wala na siyang talaga, papunta sa Bronx, sa dilim. Hindi pa niya naramdaman ang ganitong pag-iisa.

IKA-LABING APAT NA KABANATA

Naglakad si Kyle pababa ng batong koridor habang napapaligiran ng grupo ng mga bampira. Nagmamadali sila. Umaalingawngaw ang kanilang mga yabag. Isa sa kaniyang mga alalay ay may hawak na tanglaw sa may unahan.

Papunta sila sa malalim na koridor ng utos. Kamara ito sa ilalim ng lupa kung saan walang bampira ang pwedeng pumasok maliban lamang kung may permiso. Hindi pa nakakapunta ng ganitong kalalim si Kyle dati. Ngunit ngayon ay ipinatawag siya ng mismong supremong lider. Seryoso siguro ito. Sa kaniyang apat na libong taon ay hindi pa siya pinapatawag dati. May mga alam siya na ipinatawag dito at hindi na nakabalik.

Lumunok siya at naglakad ng mas mabilis. Naniniwala siya na mas magandang harapin ng mabilis ang masamang balita at lampasan ito.

Nakarating sila sa may malaki at bukas na pinto na ginagwardiyahan ng ilang mga bampira. Malamig ang kanilang mga tingin. Pumasok siya sa loob ngunit hinarang ang kaniyang mga kasama. Narinig niyang sumara ang pinto sa likod niya.

Nakita niya ang dose-dosenang mga bampira na nak-linya ng maayos at tahimik sa may dingding. Sa may unahan, sa may gitna ay nakaupo sa isang malaking upuang bakal si Rexus, ang kaniyang supremong lider.

Lumapit ng kaunti si Kyle, tumungo at naghintay na batiin siya nito. Tumitig lamang ng malamig si Rexus.

"Sabihin mo sa akin ang lahat ng nalalaman mo tungkol sa taong ito o kalahating-lahi kung ano man siya," pasimulang sabi ni Rexus. "At ang espiya, paano siya nakapasok sa ating grupo?"

Huminga ng malalim si Kyle.

"Wala kaming masyadong alam tungkol sa babae. Hindi namin alam kung bakit hindi siya tinablan ng bendita. Ngunit alam namin na siya ang umatake sa bokalista. Nasa amin siyang pangangalaga ngayon. At pagkagising niya ay maituturo niya sa amin kung nasaan ang babae. Ito ang nagbago sa kaniya. Dala niya ang kaniyang amoy sa kaniyang dugo."

"Kaninong grupo siya galing?"

Naghihilahod si Kyle sa dilim. Nag-iingat sa kaniyang isasagot.

"Iniisip namin na siya ay isang tamplasang bampira."

"Iniisip!? Wala ka bang alam?"

Si Kyle na nakagalitan ay naramdamang namula ang kaniyang mga pisngi.

"Dinala mo siya sa atin nang walang nalalaman tungkol sa kaniya. Inilagay mo sa panganib ang ating grupo," sabi ni Rexus.

"Dinala ko siya dito para tanungin. Hindi ko alam na siya ay hindi tatalban..."

"At ang espiya?" tanong ni Rexus.

Lumunok si Kyle.

"Caleb. Dinala namin siya dito dalawang daan taon na ang nakalipas. Ilang beses na niyang napatunayan ang kaniyang katapatan. Wala kaming rason para paghinalaan siya."

"Sino ang kumalap sa kaniya?"

Napatigil si Kyle at napalunok.

"Ako po."

"Hinayaan mo na namang makapasok ang isang banta sa ating grupo," sabi ni Rexus.

Pinandilatan siya ni Rexus. Hindi ito tanong, isa itong pahayag na puno ng sumpa.

"Ipagpatawad ninyo Panginoon," sabi ni Kyle habang nakatungo. "Pero depensa para sa aking sarili, wala kahit isang bampira dito ang nanghinala kay Caleb. Maraming beses..."

Itinaas ni Rexus ang kaniyang kamay.

Tumigil si Kyle.

"Pinilit mo akong mag-umpisa ng gera. Kailangang baguhin ang ating kayamanan iudlot ang naunang plano."

"Ipagpatawad ninyo Panginoon. Gagawin ko ang lahat para makita sila at pagbayarin sa kanilang ginawa."

"Huli na ang lahat para diyan."

Napalunok na naman si Kyle, hinihintay ang susunod na mangyayari. Handa siya kung ito ay kamatayan.

"Hindi ka na sa akin mananagot. Ako din ay ipinatawag lang ng Supremong Konseho."

Nanlaki ang mga mata ni Kyle. Nakakarinig lamang siya ng mga balita dati tungkol sa Supremong Konseho, ang namamahala sa lahat ng mga bampira. Pati mismo ang kanilang supremong lider ay kailangan ding managot sa kanila. At ngayon ay alam na niyang totoo ito at ipinapatawag siya.

"Hindi sila nasiyahan sa nangyari dito ngayon. Gusto nila ng sagot. Ipapaliwanag mo ang mga nagawa mong mali. Bakit siya nakatakas. Kung paanong nakapasok ang espiya sa loob at ang ating planong linisin ang grupo ng iba pang mga espiya. Pagkatapos ay tatanggapin mo ang kanilang hatol na sentensya sa iyo."

Tumango si Kyle. Siya ay nasisindak sa maaring mga mangyari. Tila walang maganda.

"Magkikita ulit tayo sa susunod na bagong buwan. Sa ngayon ay subukan mong hanapin ang kalahating-lahi iyon at baka iyon ang sumagip ng buhay mo."

"Ipinapangako ko Panginoon, ipapatawag ko ang lahat ng ating mga bampira at ako mismo ang mamumuno sa paghanap sa kaniya. Pagbabayaran niya ang ginawa niya."

IKA-LABINGLIMANG KABANATA

Nakaupo si Jonah sa estasyon ng pulis at takot na takot. Nakaupo sa tabi niya ay ang kaniyang ama. Hindi pa niya ito nakitang kabahan ng ganoon. Habang sa kabila niya ay ang kaniyang bagong abogado. Sa harap nila, sa maliit at maliwanag na silid ng tanungan, ay may nakaupong limang detektib. Sa likod nila ay may lima pang detektib na palakad-lakad at balisa.

Ito ang pinaka- malaking istorya ng araw na iyon. Hindi lamang pinatay ang bokalista sa Carnegie Hall, hindi lamang siya pinatay sa kahina-hinalang paraan ngunit mas lalo pang sumama ang sitwasyon. Nang sinundan ng mga pulis ang kaisa-isa nilang ebidensiya, pinuntahan nila siya sa kaniyang apartment at apat na pulis ang pinatay.

Ngayon ay hindi lamang ang "Magkakatay ni Beethoven" ang kanilang hinahanap, (o Mamamatay Tao sa Carnegie Hall tulad ng tawag ng ibang dyaryo sa kaniya) pati mamamatay pulis. Ang mamamatay ng apat na pulis. Lahat ng pulis sa lungsod ay tumutulong sa kaso at walang titigil hangga't nareresolba ito.

At ang kaisa-isang tutulong sa kanila ay nakaupo sa harap nila. Si Jonah. Ang kanilang panauhin ngayong gabi.

Nanlalaki ang mga mata ni Jonah. Pinagpapawisan ang kaniyang noo. Ito ang kaniyang ika-pitong oras sa silid na iyon. Sa unang tatlong oras ay paulit ulit niyang pinupunasan ang kaniyang noo. Ngayon ay hinayaan niyang tumulo ang pawis sa gilid ng kaniyang mukha. Sumalampak siya sa upuan na may bagsak na pakiramdam.

Hindi na niya alam kung ano pang idadagdag niya. Pulis kada pulis ay pumasok sa silid na iyon at nagtatanong ng iisang tanong. Wala siyang sagot. Hindi niya maintindihan kung bakit paulit ulit silang nagtatanong ng iisang bagay. Gaano katagal mo na siyang kakilala? Bakit mo siya dinala doon? Bakit siya umalis sa pagitan ng mga tagpo? Bakit hindi mo siya sinundan?

Paano nangyari ito? Nagkita sila at napaka-ganda niya. Napakalambing niya. Gusto niya siyang kasama at kausap. Sigurado siya na magiging maganda ang gabing iyon.

Hanggang bigla siyang kumilos ng kakaiba. Kakaumpisa lamang ng konsiyerto ay naramdaman niyang hindi siya mapakali. Para siyang may...hindi sakit ang tamang salita. Para siyang... balisa. Higit pa doon para siyang sasabog. Na parang kailangan niyang mapunta sa ibang lugar. At kailangan niyang pumunta doon ng mabilis.

Noong una ang akala niya ay hindi lamang niya nagugustuhan ang konsiyerto. Naisip niya kung masamang ideya ang pagsama sa kaniya doon. Pagkatapos ay naisip niya na hindi lamang niya siya gusto. Ngunit lalo lamang itong tumindi na halos nararamdaman niya ang init galing sa kaniyang katawan. Napaisip tuloy siya kung mayroon siyang sakit baka pagkalason sa pagkain.

Nang bigla siyang tumakbo paalis ang akala niya ay papunta siya sa banyo. Nalito siya ngunit hinintay niya siya sa may pinto dahil inasahan niyang babalik siya pagkatapos ng pagitan ng mga tagpo. Ngunit pagkatapos ng labing-limang minuto at ng huling tunog ng bell ay bumalik na siyang mag-isa sa kaniyang upuan, naguguluhan.

Pagkatapos pa ulit ng labing-limang minuto, nagliwanag sa loob ng silid ng konsiyerto. Isang lalaki ang pumunta sa entablado at ipinahayag na hindi na matutuloy ang palabas. At ibabalik ang perang ibinayad ng lahat. Hindi niya sinabi kung bakit. Ang lahat ay nagulat, nainis pero mas madaming naguluhan. Matagal nang nanonood ng konsiyerto si Jonah at wala pang tumigil hanggang sa pagitan ng mga tagpo. Nagkasakit ba ang bokalista?

"Jonah?" paangil ng isang detektib.

Nagitlang tumingin si Jonah sa kanya.

Galit na tinitigan siya ng detektib. Grace ang pangalan niya. Siya ang pinakamatapang na detektib na nakita niya. Wala siyang hupa.

"Hindi mo ba narinig ang tanong ko sa iyo?" sabi ni Grace.

Umiling si Jonah.

"Gusto kong sabihin mo sa akin ulit ang mga alam mo sa kaniya. Paano kayo nagkakilala?"

"Ilang milyong beses ko nang sinagot ang tanong na iyan," sabi ni Jonah.

"Gusto ko ulit marinig."

"Sa klase. Bago siya. Ibinigay ko ang upuan ko sa kaniya."

"Pagkatapos ano?"

"Nagkausap kami ng kaunti. Nagkita kami sa kantina. Inaya ko siyang lumabas at pumayag siya."

"Yun lang. Wala ka nang ibang detalyeng idadagdag?"

Nag-aalangan si Jonah sa kung hanggang saan ang sasabihin niya sa kanila. Syempre meron pa. Noong binugbog siya ng mga lalaki. Misteryosong nandoon ang kaniyang journal sa tabi niya. Ang kaniyang suspetsa ay nandoon siya. Na tinulungan niya siya at binugbog pa ang mga lalaki para sa kaniya. Kung paano hindi niya alam.

Ngunit anong sasabihin niya sa mga pulis na ito, na nabugbog siya? Na tingin niya ay nakita niya siya doon? Na mukhang nakita niya na binugbog niya ang apat na lalaki na doble ang laki sa kaniya? Wala iyong katuturan maging sa kaniya. Siguradong wala din itong katuturan sa kanila. Iisipin lang nila na nagsisinungaling siya at gumagawa siya ng istorya. Hinahanap nila siya at hindi siya tutulong.

Sa kabila ng mga nangyari, gusto pa rin niya siyang protektahan. Hindi niya naiintindihan kung anong nangyari. Isang parte niya ay hindi naniniwala, ayaw maniwala. Pinatay niya bang talaga ang bokalista? Bakit? May dalawang butas ba talaga siya sa leeg tulad ng sabi sa dyaryo? Kinagat ba niya siya? Isa ba siyang...

"Jonah," paangil na sabi ni Grace. "Sabi ko kung may iba pa?"

Nakatitig sa kaniya ang detektib.

"Wala na," sabi niya. Sana ay hindi niya halatang nagsisinungaling siya.

Panibagong detektib ang sunod na lumapit at tumitig sa kaniya.

"Wala ba siyang sinabi sa iyo nung gabing iyon na nagpahiwatig na hindi matatag ang kaniyang pag-iisip?"

Kumunot ang noo ni Jonah.

"Ibig mong sabihin sira ang ulo? Bakit ko naman iisipin yun e masarap siyang kasama? Gusto ko talaga siya. Matalino siya at mabait. Gusto ko siyang kausap."

"Anong pinag-usapan ninyo?" tanong ng babaeng detektib.

"Beethoven."

Nagtinginan ang mga detektib. Sa itsura ng kanilang mga nalilitong mukha iisipin mong ang inaasahan nilang sagot ay "pornograpiya".

"Beethoven?" mapanuksong tanong ng isa pang detektib na mga nasa limampung taon at malaking pangangatawan.

"Isa siyang kompositor," sabi ni Jonah.

"Alam ko kung sino si Beethoven sutil kang bata ka," pasaring ng detektib.

Isa pang detektib na mga nasa animnapung taon at may malaki at mapulang mga pisngi ang lumapit at inilagay ang kaniyang mga namamawis na kamay sa mesa. Ang lapit niya ay sapat na para maamoy niya ang kaniyang kamay mabahong hininga. "Hindi ito laro. Apat na pulis ang patay dahil sa iyong kasintahan. Ngayon alam namin na alam mo kung saan siya nagtatago. Kaya magsalita ka na.."

Itinaas mg abogado ni Jonah ang kaniyang kamay. "Haka-haka lamang iyan detektib. Hindi mo pwedeng akusahan ang kliyente ko.."

"Wala akong pakialam sa kliyente mo!" sigaw ng detektib.

Nanahimik ang buong silid.

Nang biglang bumukas ang pinto. Isa pang detektib na nakasuot ng latex na guwantes ang pumasok. Dala-dala niya ang cellphone ni Jonah. Nilagay niya ito sa mesa malapit sa kaniya. Natuwa si Jonah pagkakita nito.

"Meron ba?" tanong ng isang pulis. Hinubad ng pulis ang kaniyang guwantes at itinapon ito sa basurahan. Umiling siya.

"Wala. Malinis ang telepono niya. Mayroon siyang ilang mensahe galing sa kaniya bago ang palabas pero yun lang. Sinubukan naming tawagan ang telepono niya pero patay ito. Kinukuha namin ngayon ang listahan ng mga tawag niya. Nagsasabi siya ng totoo. Bago kahapon ay hindi pa siya tumawag o nagpadala ng mensahe sa kaniya."

"Sabi ko na sa inyo e," paangil na sabi ni Jonah.

"Mga detektib, tapos na ba tayo dito?" tanong ng abogado ni Jonah.

Lumingon ang mga detektib at nagtinginan sa isa't isa.

"Walang ginawang krimen ang aking kliyente. Wala siyang ginawang mali. Nakipagtulungan siya sa inyo at sinagot lahat ng inyong mga tanong. Wala siyang intensiyon na umalis ng estado o ng lungsod. Siya ay maaari ninyong tanungin anumang oras. Ngayon ay tinatanong ko kung pwede na kaming umalis. Isa siyang estudyante at may klase pa siya sa umaga." Tumingin ang abogado sa kaniyang relo. "Malapit nang mag-ika isa ng umaga."

Nang biglang tumunog at tumaginting ang telepono ni Jonah. Ang lahat ay tumingin sa may mesa kung saan naroon ang telepono. Tumaginting ulit ito at umilaw. Bago pa ito naabot ni Jonah ay nakita niya kung sino iyon kasama ng lahat ng mga nasa silid.

Si Caitlin. Gusto niyang malaman kung nasaan siya.