Kitabı oku: «Ikot », sayfa 4

Yazı tipi:

IKAPITONG KABANATA

Binuksan ni Grace O'Reilly, detektib ng homicide sa lungsod ng New York, ang pintuan sa may Carnegie Hall. Alam niyang magiging masama. Nakita na niya dating mawalan ng kontrol ang pres ngunit hindi katulad nito na sampung tao ang haba ng mga reporter at agresibo pa.

"Detektib!" sigaw nilang lahat sa kaniya nang paulit ulit. Walang tigil ang diklap ng mga kamera.

Sumiksik si Grace, kasama ng iba pa niyang detektib, sa gitna ng mga reporter. Apatnapung taong gulang siya, matigas ang pangangatawan, maikli at itim ang kulay ng buhok, at itim din ang kulay ng mga mata. Matatag siya at sanay sa pagsiksik at pagtulak na ganito. Ngunit ngayon ay hindi ito madali. Alam ng mga reporter na malaking istorya ito kaya't hindi sila basta-basta bibigay. Magiging mas mahirap ang buhay na ito.

Isang bata at internasiyonal na artista ang pinatay sa kasagsagan ng kaniyang kasikatan sa gitna ng Carnegie Hall at sa gitna ng kaniyang unang paglabas sa Amerika.

Anuman ang nangyari ngayong gabi ay hindi pa rin mawawala ang mga reporter. Handa silang i-report ang kaniyang unang palabas sa Amerika sa buong mundo. Kahit siguro nahulog siya o mabalian lamang, mapupunta sa unang pahina ang nagtapat ng mikropono sa kaniyang mukha.

"Detektib Grant! May mga kumakalat na balita na si Sergei ay pinatay ng isang mabangis na hayop. Totoo ba ito?"

Hindi niya sila pinansin habang dumadaan siya.

"Bakit hindi pinagigting ang seguridad sa Carnegie Hall detektib?"

"May mga balita na gawa daw ito ng isang seryal na mamamatay tao. Tinatawag siyang Beethoven's Butcher. May komento ba kayo?"

Nang makarating siya sa likod ng silid ay humarap siya sa mga reporter.

"Beethoven's Butcher? Wala ba silang mas maayos doon?"

Bago pa sila makapagtanong ulit ay lumabas na siya. Umakyat siya sa likod na hagdanan ng Carnegie Hall. Napapaligiran siya ng kaniyang mga detektib na nagbibigay sa kaniya ng impormasyon. Ang totoo ay hindi siya masyadong nakikinig. Pagod siya. Kaka-apatnapo lamang niya noong isang linggo kaya dapat ay hindi siya ganoong kapagod. Ito ang pangatlong pagpatay ngayong buwan, hindi kasama ang mga nagpakamatay. Gusto niya ng mainit na panahon, kulay luntiang paligid at buhangin sa kaniyang mga paa. Gusto niya ng lugar na walang pumatay ng ibang tao at walang nag-iisip na magpakamatay. Gusto niya ng ibang buhay. Tumingin siya sa kaniyang relo. Ika-isa ng umaga. Kahit hindi niya tingnan ang eksena ng krimen ay alam niyang nadumihan na ito. Bakit walang tumawag sa kaniya agad?

Nagpakasal sana siya katulad ng sabi ng nanay niya nung siya ay tatlumpong taong gulang pa lamang. May kasintahan siya noon. Hindi siya perpekto pero pwede na siya. Ngunit masyado siyang kumapit sa kaniyang karera tulad ng kaniyang ama. Iyon ang akala niyang nais ng kaniyang ama ngunit ngayon siya ay patay na at hindi niya nalaman kung ano ang kaniyang tunay na nais para sa kaniya. At pagod na siya at mag-isa.

"Walang sakit!" pasaring ng isang detektib. "Sabi ng Porensik ay nangyari ito sa gitna ng 10:15 at 10:28 ng gabi. Walang senyales ng paglaban."

Hindi gusto ni Grace ang eksena ng krimen na ito. Masyadong maraming taong kasali at masyadong maraming tao ang nauna na sa kaniya. Lahat ng gagawin niya ay makikita ng iba at kahit anong galing niya sa trabaho, ang kredito ay mapupunta din lamang sa iba. Masyadong maraming departamento ang kasali. Ang ibig sabihin lamang nito ay puno ito ng politika.

Lumampas siya sa huling natitirang mga reporter at dumaan lampas ng lugar na may harang kung saan mga matataas lamang na opisyal ang maaaring pumasok. Pagdating niya sa susunod na bulwagan ay tumahimik na ang lahat. Nakakapag-isip na siyang muli.

Bukas ng kaunti ang pintuan sa silid ni Sergei. Nagsuot siya ng glabs at ibinukas ito ng tuluyan.

Sa kaniyang dalawampung taon na pagiging pulis ay nakita na niyang lahat. Nakita na niyang mapatay ang tao sa iba't ibang pamamaraan. Paraan na hindi niya kayang mabuo kahit sa kaniyang pinakamasamang bangungot. Ngunit ngayon lamang siya nakakita ng ganito.

Hindi dahil madaming dugo. Hindi rin dahil sa bayolente nito. May iba pa. Masyado itong tahimik. Lahat ay nasa perpektong lugar maliban syempre sa katawan. Nakaupo siyang nakasalampak patalikod sa upuan. Nakalantad ang leeg. At doon sa ilalim ng ilaw ay dalawang perpektong butas sa mismong ugat.

Walang dugo. Walang senyales na naglaban ang biktima. Hindi sira ang kaniyang damit. Walang ibang kakaiba sa lugar. Para bang may paniking lumipad pababa at sinipsip ang kaniyang dugo, lumipad at walang ibang bagay na hinawakan. Ito ay nakakapangilabot at kaagad na nakakasindak. Kung hindi siya namumutla ay iisipin niyang buhay siya at nagpapahinga. Naisip pa niyang tingnan kung meron siyang pulso ngunit katangahan lamang ito.

Sergei Rakov. Bata pa siya. At sa kaniyang mga narinig ay isa siyang aroganteng tao. May mga nakaaway na kaya siya kaagad.

Ano kayang gumawa sa kaniya nito? Isang hayop? Isang tao? Isang bagong sandata? O ginawa niya ito sa sarili niya?

"Ang anggulo ng atake ang nagtanggal sa pagpapakamatay bilang dahilan ng krimen" sabi ni Detektib Ramos na nakatayo sa tabi niya na laging nababasa ang kaniyang iniisip.

"Gusto ko ng lahat ng impormasyon mo tungkol sa kaniya. Sinong pinagkakautangan niya. Gusto kong malaman kung sinong mga kaaway niya. Gusto ko ding malaman ang mga dati niyang kasintahan - magiging mga asawa niya. Gusto ko malaman lahat. Baka may ginalit siyang tao" sabi ni Grace.

"Opo mam" sabi ng detektib at nagmamadaling lumabas.

Bakit ito ang napili nilang oras para patayin siya? Pagitan ng mga tagpo? May mensahe ba silang gustong iparating?

Dahan-dahan siyang naglakad sa palibot ng silid na balot ng makapal na karpet. Tiningnan niya si Sergei sa lahat ng anggulo. Mayroon siyang mahaba at maalong buhok. Kaakit-akit kahit wala na siyang buhay. Sayang.

Biglang napuno ng ingay ang silid. Nagtinginan lahat ng detektib at nakita nilang bumukas ang telebisyon. Pinapakita nito ang palabas ng gabing iyon. Napuno ng Beethoven's Ninth ang silid.

Isa sa mga detektib ang lumapit sa telebisyon para patayin ito.

"Huwag" sabi ni Grace.

Napatigil ang lalaki.

"Gusto kong marinig."

Nakatayo siya doon at pinagmamasdan si Sergei na ilang oras pang buhay dati.

Nakapangingilabot.

Inikot ulit ni Grace ang silid. Lumuhod siya.

"Nanggaling na kami sa silid na ito detektib" nawawalang pasensyang sabi ng opisyal ng FBI.

May napansin siya sa gilid ng kaniyang mata. Umabot siya sa ilalim ng isa sa mga upuan. Inikot niya ang kaniyang ulo at inikot din ang kaniyang braso at umabot sa pinakadulo. Nakuha din niya ang kaniyang inaabot. Tumayo siyang namumula ang mukha at ipinakita ang isang kapirasong papel.n Lahat ng ibang detektib ay nakatitig pabalik.

"Stab ng tiket" sabi niya habang pinagmamasdan ito gamit ang kaniyang kamay na nakasuot ng glabs.

"Mesanin sa may kanan, pangatlong upuan para sa konsiyerto ngayong gabi."

Tumingin siya at tumitig sa mgamga detektib na nakanganga sa kaniya.

"Tingin mo sa mamamatay tao yan galing?" tanong ng isa sa kanila.

"Isa lang ang alam ko," tumingin siya ng huling beses sa katawan ng mang-aawit na Ruso. "Hindi ito kaniya."

*

Naglakad si Kyle sa mga bulwagan na balot ng pulang karpet. Mag-ilas siyang naglakad sa gitna ng madaming tao. Katulad lang ng dati, naiinis siya. Ayaw niya ng madaming tao. At ayaw niya ng Carnegie Hall. Nagpunta siya sa konsiyerto dito dati noong 1890 at hindi ito naging maayos. Hindi madaling mawala ang kaniyang sama ng loob.

Habang naglalakad siya, ang mataas na kwelyo ng kaniyang itim na tunika na tumataklob sa kaniyang leeg at humuhubog sa kaniyang mukha, pinapadaan siya ng mga tao. Mga opisyal, mga gard at mga reporter, lahat ay humahawi.

Madaling kontrolin ang mga tao, naisip niya. Konting pagliko lamang ng kanilang isip at nagmamadali silang umalis sa daan.

Isa siyang bampira ng Blacktide Coven. Tatlumpong libong taon at mahigit na siyang madaming nasasaksihan. Nandoon siya nang pinatay si Kristo. Nasaksihan niya ang Rebolusyon ng Pranses. Nandoon din siya nang kumalat ang bulutong sa Europa - tumulong pa siya sa pagkalat nito. Wala nang pwedeng mangyari na makakasorpresa sa kanila.

Ngunit nasorpresa siya ng gabing ito. Hindi niya gustong nasosorpresa.

Datirati ay hinahayaan lamang niya ang kaniyang kapita-pitagang sarili na dumaan sa gitna ng maraming tao. Sa kaniyang edad ay bata pa rin ang kaniyang itsura at makisig na nagbibigay daan ang mga tao. Ngunit wala siyang pasensya ngayong gabi lalo pa sa nangyari. Marami siyang tanong na hindi masagot.

Anong klaseng tamplasang bampira ang ganoong katapang para pumatay ng tao? Pipiliing gawin ito sa publikong paraan at walang iniwang posibilidad kundi makati ang katawan. Isa itong paglabag sa patakaran ng kanilang lahi. Galing man sa mabuti o masamang lahi, isa itong bagay na hindi nilalabag. Walang may gustong kumuha ng atensyon sa kanilang lahi. Isa itong pagkasira sa kanilang kredo na tiyak na may parusang - kamatayan, isang mahaba at labis na pahirap tungo sa kamatayan.

Sinong ganoong kalakas ang loob na gawin ito? Na kumuha ng atensyon galing sa mga pulitiko, pulis at

mga reporter. At ang masama pa nito, ginawa sa teritoryo ng kanilang grupo. Ginawa nitong masama ang kanilang grupo, walang laban. Magsasama ang lahat ng mga bampira at gagawin silang responsable sa nangyari. At pag hindi nila nakita ang tamplasang ito, gera ang ibig sabihin nito. Gera sa oras na hindi pwede itong mangyari dahil sa planong kailangan nilang gawin. Nakasalubong niya ang isang babaeng detektib. Nabunggo siya nito ng malakas. Tinitigan siya nito. Nagulat siya dahil wala pang naglakas loob na gumawa nito. Mas malakas siguro siya sa iba. Iyon o nawawalan na siya ng ingat. Dinoble niya ang lakas ng kaniyang isip at tinitigan pang ito lalo. At sa wakas umiling siya, lumingon at naglakad ulit.

Kailangan niya siyang tandaan. Tiningnan niya ang pangalan nito, Detektib Grace Grant. Baka maging problema siya.

Patuloy na naglakad si Kyle lampas ng mga reporter, lampas ng harang at sa wakas lampas ng grupo ng mga opisyal ng FBI. Mayroon ding lalaking may suot na mamahaling damit. Sa kaniyang tingin at tindig, tingin niyang siya ay isang pulitiko.

"Hindi nalulugod ang Embahada ng Russia" pasaring na sabi ng pulitiko sa lider ng FBI. "Naintindihan mo na hindi lang ito importante sa mga pulis ng New York at gobyerno ng Amerika. Si Sergei ay isa sa mga sikat na pambansang mang-aawit. Ang pagkamatay niya ay maaaring bigyang kahulugan na isang opensa laban sa ating bansa..."

Itinaas ni Kyle ang kaniyang palad, at gamit ang lakas ng kaniyang isip ay pinatahimik niya ang pulitiko. Ayaw niyang nakikinig sa kanila. At sapat na ang narinig niya mula sa kaniya. Ayaw din niya sa mga Ruso. Ayaw niya sa maraming bagay. At ngayon ang kaniyang kawalan ng pasensya ay tumaas ng bagong lebel.

Mukhang walang nakapansin na isinara niya ang bibig ng pulitiko. Marahil ay nagpapasalamat sila. Pumunta siya sa gilid at inisip na umalis silang lahat ng silid.

"Bakit hindi muna tayo mag-kape?" sabi ng lider ng FBI. "para makaisip tayo ng mabuti"

Tumango silang lahat at nagmamadaling lumabas ng silid na akala mo'y napaka-natural nito. Pinasara din niya sa kanila ang pinto gamit ang kaniyang isip. Ayaw niya ng boses ng mga tao. Lalo niyang ayaw makarinig nito ngayon.

Huminga ng malalim si Kyle. Sa wakas ay napag-isa din siya. Ngayon ay mabibigay na niya ang kaniyang buong atensyon sa taong ito. Lumapit siya at hinila ang kwelyo ni Sergei. Nakita nito ang marka ng kagat. Nilagay niya ang kaniyang dalawang malamig na daliri sa ibabaw ng kagat. Itinaas niya ang mga ito at pinag-aralan ang distansiya nito sa isa't isa.

Maliit na distansiya. Isa itong babae. At bata. Hindi gaanong malalim ang kagat.

Ibinalik niya ang kaniyang mga daliri sa kagat at ipinikit ang kaniyang mga mata. Sinubukan niyang maramdaman ang klase ng dugo, ang klase ng bampira na kumagat dito. Gulat na ibinukas niya ang kaniyang mga mata. Dali-dali niyang tingaggal ang kaniyang kamay. Hindi niya gusto ang kaniyang naramdaman. Hindi niya ito makilala. Isa talaga itong tamplasang bampira. Hindi ito galing sa kaniyang lipi o sa ibang lipi na alam niya. At lalong mas nakakapag-alala, hindi niya malaman kung anong lahi ng bampira siya galing. Sa kaniyang tatlumpong libong taon ay hindi pa ito nangyari sa kaniya.

Nilasahan niya ang kaniyang mga daliri. Tumatabon sa kaniya ang amoy nito. Datirati ay sapat na ito upang mahanap siya ngunit ngayon ay naguguluhan siya. May humaharang sa kaniyang paningin. Sumimangot siya. Wala na silang magagawa ngayon. Kailangan nilang umasa sa mga pulis para hanapin siya. Hindi masisiyahan ang kanilang lider.

Mas lalo pang nainis si Kyle ngayon. Iniisip niya kung ano ang gagawin kay Sergei. Sa ilang oras ay magigising siya bilang isa na namang walang liping bampira. Pwede niyang patayin ito ngayon. Masisiyahan siya dito. Hindi na nila kailangan ng panibagong bampira.

Ngunit mabibigyan nito si Sergei ng malaking regalo. Hindi niya kailangang magdusa bilang isang imortal at mabuhay ng ilang libong taon sa kawalang pag-asa. Hindi, masyado itong mabuti. Bakit hindi hayaan si Sergei na magdusa sa tabi niya?

Naisip niya ito. Isang mang-aawit ng opera. Oo magugustuhan ito ng kanilang lipi. Pwede silang pasayahin ng lalaking Ruso na ito kahit kailan nila gusto.

Ibabalik niya siya at babaguhin. Magkaroon ng panibagong paborito na kontrolado niya. At ngayon ay maaari silang tulungan ni Sergei na hanapin ang babaeng may kagagawan nito. Nananalaytay na ang kaniyang amoy sa dugo ni Sergei. Tutulungan niya sila papunta sa salarin na kanilang pagdurusahin.

IKAWALONG KABANATA

Nagising si Caitlin sa matinding sakit. Parang nasusunog ang kaniyang balat. Nang sinubukan niyang buksan ang kaniyang mga mata ay mabilis din niyang isinara kaagad dahil din sa sakit. Sumasabog ito sa kaniyang ulo.

Nanatiling sarado ang kaniyang mga mata. Kinapa niya ang kaniyang paligid. Nakahiga siya sa isang bagay. Malambot ito ngunit matigas. Hindi ito pantay kaya malabong kutson ito. Isa itong plastik.

Dahan-dahang niyang binuksan ang kaniyang mga mata at sinilip ang kaniyang kamay. Plastik. Itim na plastik. At ang amoy na iyon. Anong amoy iyon? Napagtanto niya na siya ay nakahilata sa mga plastik ng basura. Nasa loob siya ng tambakan ng basura.

Umupo siya at sumabog ang sakit. Parang binibiyak ang kaniyang ulo at leeg sa sakit. Hindi niya matagalan ang masangsang na amoy. Mulat na ang kaniyang mata at siya ay nasindak. Paano siya napunta dito?

Kinuskos niya ang kaniyang noo. Dahan-dahang inaalala ang mga nangyari kagabi. Wala. Pinilit niya ulit at nagsimula itong bumalik.

Away nila ng kaniyang ina, pagtagpo kay Jonah, Carnegie Hall, ang konsiyerto at pagkatapos ay...

Ang gutom. Ang labis na pananabik. Oo ang pananabik. Iniwan niya si Jonah. Nagmamadali siyang lumabas. Naglakad lakad sa bulwagan pagkatapos ay...Wala..

Saan siya nagpunta? Anong ginawa niya? At paano siya napunta dito? Nanarkotikuhin ba siya ni Jonah. Nakuha ba niya ang gusto niya sa kaniya at pagkatapos ay itinapon siya dito?

Sa tingin niya ay hindi. Hindi siya ang tipo na gagawa ng ganoon. Ang naaalala niya ay naglalakad lakad siya sa bulwagan at iniwan niya si Jonah. Malayo ang kanilang pagitan kaya imposibleng siya.

Pagkatapos ano?

Dahan-dahan siyang lumuhod sa basura. Ang isang paa niya ay dumulas sa gitna ng dalawang plastik habang lalo siyang lumubog sa loob. Nagmamadali niyang inalis ang kaniyang paa at nakakita ng maaapakan. Lumangutngot ang mga plastik na bote.

Tumingala siya at nakitang bukas ang takip ng tambakan ng basura. Binuksan niya ba ito kagabi at pumasok sa loob? Bakit naman niya ito gagawin?

Umabot siya at bahagya niyang nahawakan ang metal sa itaas. Nag-aalala siya na hindi siya ganoong kalakas para ilabas ang sarili niya.

Ngunit sinubukan niya at labis siyang nagtaka na madali siyang nakalabas. Isang kaaya-ayang galaw, tapos ay inugoy niya ang kanyang hita sa gilid, bumaba ilang talampakan ang taas at bumagsak sa semento. Sa kaniyang sorpresa ay nakababa siya ng maliksi. Hindi man lang nasaktan ang mga paa niya sa bagsak. Anong nangyayari sa kaniya.

At habang bumaba si Caitlin sa daanan ng lungsod ng New York, isang magarang magkasintahan ang dumaan. Nagulat sila sa kaniya. Nagtataka siguro kung anong ginagawa ng batang babaeng tulad niya sa loob ng tambakan ng basura. Nagmadali silang naglakad at lumayo sa kaniya.

Hindi sila masisi ni Caitlin. Malamang ganun din ang gawin niya kung siya sila. Tumingin siya sa kaniyang sarili. Suot pa rin niya ang kaniyang bestida at blusa na ngayon ay madumi na. Mabaho din siya. Sinubukan niyang linisin ito.

Kinapa din niya ang sarili niya hanap ang kaniyang cellphone. Wala. Inisip niya nadala ba niya ito palabas ng apartment kagabi.

Hindi. Naiwan niya ito sa kaniyang mesa sa kaniyang silid. Dadalhin niya dapat ito ngunit masyado siyang naapektuhan ng away nila ng kaniyang ina. Pati journal niya ay naiwan niya. Kailangan niya ito pareho. Kailangan niyang maligo at magpalit ng damit. Tumingin siya sa kaniyang pulso ngunit wala ang relo niya. Nawala niya siguro ito kagabi. Lumabas siya ng eskenita at pumunta sa mas malaking daan. Nasinagan ang mukha niya ng araw. Dumaloy ang sakit sa kaniyang noo. Nagmadali siyang pumunta sa lilim. Hindi niya maintindihan kung anong nangyayari. Buti na lang at hapon na. Sana lang ay mawala kaagad ang hangober na ito, kung ano man ito.

Sinubukan niyang mag-isip. Anong gagawin niya? Gusto niya sanang tawagan si Jonah ngunit hindi pa sila ganoong magkakilala. Tsaka pagkatapos ng nangyari kagabi malamang ayaw na siya makita nito. Pero siya pa rin ang unang pumasok sa kaniyang isip. Gusto niyang marinig ang kaniyang boses. Gusto niyang makasama siya. Kailangan niyang malaman sa kaniya kung anong nangyari kagabi. Kailangan niya siyang tawagan. Kailangan niya ang cellphone niya.

Uuwi siya ng huling beses. Kukunin niya ang kaniyang cellphone at journal. Sana wala doon ang kaniyang ina. Siguro, kahit isang beses lang, nasa kaniya ang swerte.

*

Nakatayo si Caitlin sa labas ng kanilang apartment at nag-aalaala. Takipsilim na kaya't ang liwanag ay hindi na masyadong nakakasakit sa kaniya. Habang papalit ang gabi ay nararamdaman niyang lumalakas siya.

Inakyat niya ng sobrang bilis ang limang palapag na hagdanan. Tatlong baitang ang lakdaw niya pero hindi man lang sumakit ang kaniyang mga hita. Hindi niya alam kung anong nangyayari sa kaniya pero kung ano man ito ay nagugustuhan niya.

Unti-unting nawala ang magandang lagay ng kaniyang loob habang papalapit siya sa kanilang pintuan. Hindi niya alam kung nandoon ang ina niya. Anong magiging reaksiyon niya?

Ngunit nang makarating siya sa may pinto ay nagulat siyang makita na bukas na ito. Lalong nadagdagan ang kaniyang agam. Bakit ito bukas?

Pumasok si Caitlin sa loob. Lumalangitngit ang sahig habang siya ay mabagal na naglalakad mula sa may pasukan patungo sa salas.

Habang papasok ay nagulat siya sa kaniyang nakita. Napatalikod siya at nagsuka.

Ang kaniyang ina ay nakasalampak sa sahig, bukas ang mga mata, patay. Patay na ang kaniyang ina. Paano?

Tumagas ang dugo mula sa kaniyang leeg, at natipon ng kaunti sa sahig. Imposibleng ginawa niya ito sa kaniyang sarili. Pinatay siya. Ngunit sino? At bakit? Hindi man sila nagkakasundong dalawa ay hindi niya naisip na ganito ang kahinatnan ng kaniyang ina.

Sariwa pa ang dugo at naisip ni Caitlin na kakatapos lang nitong mangyari. Ang pinto ay bukas ng kaunti. May pumasok sa bahay nila?

Bigla siyang nagmasid sa paligid. Tumaas ang balahibo sa kaniyang leeg. May ibang tao ba dito?

At para bang sinagot ang kaniyang tanong, sa sandali ding iyon ay tatlong tao na nakadamit ng itim mula ulo hanggang paa ang nagpakita galing sa kabilang silid. Naglakad sila nang walang ano ano sa salas papunta kay Caitlin. Tatlong lalaki - mahirap hulaan ang kanilang edad. Para silang mga hindi tumatanda. Mga na dalawampu siguro. Maganda ang kanilang pangangatawan. Wala kahit konting taba. Maganda din silang manamit at maputlang maputla.

Lumapit ang isa sa kanila.

Napaatras si Caitlin sa takot. Isang bagong pakiramdam ang dumating sa kaniya, pangingilabot. Hindi niya alam kung paano pero nararamdaman niya ang enerhiya nito. At ito ay masama, masamang masama.

"Umuwi ang manok para mamugad" sabi ng lider sa madilim at masamang boses.

"Sino ka?" tanong ni Caitlin habang umaatras. Tumingin siya sa palibot ng silid hanap ang kahit anong klaseng sandata. Siguro tubo o bat. Nagsimula siyang mag-isip ng posibleng labasan. Ang bintana sa likod niya, may daan ba mula dito hanggang sa labasan kapag may sunog?

"Yan din ang gusto naming itanong sa iyo" sabi ng lider. "Walang maisagot ang kaibigan mong tao" sabay tingin at turo sa kaniyang ina. "Sana ikaw ay meron."

Tao? Anong sinasabi niya?

Umatras pang muli si Caitlin. Halos wala na siyang mapuntahan. Malapit na siya sa dingding. At bigla niyang naalala na ang bintanang iyon ay may daan patungo sa labasan kung may sunog. Naalala niyang umupo siya dito noong unang araw nila sa lugar na iyon. Makalawang na ito mahuna na pero pwede na din ito.

"Ayos na kain iyon sa Carnegie Hall." Magkakasabay na lumapit ang tatlo. "Masyadong ma-drama."

Pilit na inaalala ni Caitlin ang nangyari kagabi.

Kain? Ngunit wala siyang maalala. Hindi niya alam kung anong sinasabi niya.

"Bakit intermisyon? Anong mensahe ang gusto mong iparating?"

Nakalapat na siya sa dingding at wala na siyang pwedeng mapuntahan. Lumapit pa silang lalo. Sigurado siya na papatayin nila siya kapag hindi niya nasagot ang kanilang mga tanong.

Nag-isip siya ng husto. Mensahe? Intermisyon? Naalala niyang siya'y naglakad lakad sa bulwagan na balot ng karpet papunta sa iba't ibang silid. Naghahanap. Oo naalala niyang may bukas na pinto, may silid bihisan, may isang lalaki sa loob. Tumingin siya sa kaniya na may takot sa mata at pagkatapos...

"Nasa teritoryo ka namin. Alam mo ang batas at nilabag mo ito. Ngayon ay kailangan mo itong pagbayaran."

Lumapit pa silang muli.

Bagsak.

At sa sandaling iyon ay nawasak ang unahang pintuan ng apartment. Maraming pulis ang mabilis na pumasok sa loob na nakatutok ang mga baril.

"Walang gagalaw putang ina mo!" sigaw ng isang pulis.

Lumingon ang tatlo at tumitig sa mga pulis.

Pagkatapos ay nagsimula silang lumapit sa kanila nang walang takot.

"Sabi ko walang gagalaw!"

Nagpatuloy na naglakad ang lider. Pinaputukan siya ng pulis. Nakakabingi ang ingay. Ngunit, katakatakang hindi siya tumigil. Lalo pa siyang ngumiti at inabot lamang ang kamay para mahuli ang bala. Nagulat si Caitlin dahil nahuli niya ang bala sa kaniyang palad. Pagkatapos ay itinaas niya ang kaniyang kamay at dahan-dahang dinurog ito. Ibinukas niya ang kaniyang kamay at ang alikabok ay dahan-dahang bumuhos sa sahig.

Nagulat din ang mga pulis. Nakanganga sila.

Lalong lumaki ang kaniyang ngiti. Umabot at hinablot niya ang baril ng pulis. Hinatak niya ito at ipinalo sa mukha ng pulis. Lumipad patalikod ang pulis. Natamaan at natumba ang ilan sa kaniyang mga kasamahan.

Sapat na ang nakita ni Caitlin.

Walang pag-aalinlangan ay binuksan niya ang bintana at umakyat palabas. Tumalon siya sa may labasan at nagtatakbo pababa ng lumalangitngit at mahunang hagdanan.

Tumakbo siya na para bang wala nang bukas, pumipihit at lumilingon. Mukhang ilang taon nang hindi nagagamit ang hagdanang iyon dahil nang paikot siya sa sulok ay bumigay ang isang baitang. Nadulas siya at sumigaw. Mabuti na lamang at bumalik ang kaniyang balanse. Ang buong hagdan ay gumalaw at umuga ngunit hindi ito tuluyang bumigay.

Tatlong palapag na ang nabababa niya nang makarinig siya ng ingay. Tumingala siya at nakita ang tatlong tumalon sa labasang hagdan. Sobrang bilis nila. Mas mabilis sa kaniya. Dinagdagan niya ang bilis ng kaniyang hakbang.

Nakarating siya sa unang palapag ngunit wala siyang iba nang mapupuntahan. Labing-limang talampakan ang taas nito pababa. Lumingon siya. Paparating na sila. Tumingin siya sa baba. Walang pagpipilian. Tumalon siya.

Inaasahan ni Caitlin na magiging masama ang bagsak niya ngunit sa kaniyang sorpresa ay nakababa siya ng magaan na parang pusa na bahagyang nasaktan.

Tumakbo siya ng mabilis. Tiwala siyang hindi siya maaabutan ng mga humahabol sa kaniya, kung sino man sila.

Nang makarating siya sa dulo ng kalye,nasorpresa sa kakaibang bilis niya, ay lumingon siya. Inaasahan niyang malayo ang pagitan nila ng humahabol sa kaniya.

Ngunit nagulat siyang makita na ilang talampakan lamang sila sa likod niya. Paano iyon nangyari?

Ngunit bago pa niya matapos ang iniisip niya ay naramdaman niya ang mga katawan sa ibabaw niya. Sumalakay na sila.

Tinawag ni Caitlin ang kaniyang bagong lakas para labanan ang mga umatake sa kaniya. Siniko niya ang isa sa kanila at sobrang ikinasorpresa niya nang makita itong tumilapon ilang talampakan palayo. Na-himok, siniko ulit niya ang isa at natuwa ulit nang tumilapon naman ito sa ibang direksiyon.

Tinalunan siya ng lider at nagsimula siyang sakalin. Mas malakas siya sa iba niyang mga kasama. Tumingin siya sa kaniyang malaki at itim na mata. Parang tumingin siya sa mata ng pating. Walang kaluluwa. Tingin ito ng kamatayan.

Ginamit lubos ni Caitlin ang kaniyang lakas para makagulong at maitapon siya paalis sa kaniya. Tumayo siyang ulit at tumakbo ng mabilis.

Ngunit hindi pa siya nakakalayo at naramdaman na naman niyang sinalakay siya. Paano siya naging ganoong kabilis? Kakatapon lang niya sa kaniya sa eskenita.

At ngayon, bago siya makalaban ay naramdaman niya ang kamao sa kaniyang mukha. Napagtanto niyang siya ay sinuntok. Malakas. Umikot ang mundo. Bumalik ng mabilis ang kaniyang malay at handang lumaban ulit. Biglang nakita niya ang dalawa pa na lumuhod sa tabi niya, hawak siya ng mahigpit. Kumuha ang lider ng puting tela sa kaniyang bulsa.

Bago siya manlaban, natakluban na ng tela ang kaniyang ilong at bibig.

Habang huling beses siyang huminga ng malalim, umikot ang paligid, naging maulap. Bago naging madilim ang lahat, narinig niyang may bumulong sa kaniya, "sa amin ka na ngayon."